Showing posts with label Bicol. Show all posts
Showing posts with label Bicol. Show all posts

Apr 27, 2012

Munting Pangarap ni Ningning

Hindi ko alam kung bakit ang mga naiishare ko dito ay yung mga kwentong maliit pa ko kasi nga malaki na ko ngayon. Ewan ko ba kung bakit palagi kong naaalala yung mga kaganapan nung bata pa ako. Siguro yun na nga yung tinatawag nilang, fulfilled daw ang slot na iyon ng aking buhay. Kumbaga, punong puno at super naenjoy. Korek yan. At ako ay isang buhay na patotoo pagdating sa mga karanasan at kwento.

larawang hiram kay Google
As far as I can remember, (naks, Ingles, pakibulsa na lang) simple lang akong bata. Mababaw ang kasiyahan, mabilis tumawa, mahilig maglaro at simple lang din ang pangarap. Dahil nga sa Bicol kami nun nakatira ng pamilya ko, kung saan ang lahat ng bagay ay pwede mong lakarin. Malapit sa iskul, sa palengke, sa simbahan, sa perya, sa swimming pool na nilulumot na sa halagang limang piso lang ay makakaswimming ka na, at sa hospital na halos sa isandaang steps lang ng maliliit kong biyas ay makakarating na ko. Ganun ang aming maliit na town. Ang totoo nyan, hindi din kami nakakasakay ng dyip noon kasi nga di naman kailangan. Dahil di mo kailangan lumabas ng maliit na town na iyon dahil andun na lahat ng kailangan namin. Mayaman na ang tingin sayo kung nakasakay ka ng traysikel galing sa palengke. Naku, parang may nabubulok na bagoong sa kumpol ng tao na sasalubong sayo pagbaba ng traysikel at pag-uusapan lang naman ang mga ipinamili mo. May maririnig ka pang tsismosa na, "ay dumating na nga ang Papa nila galing Maynila. Makapangutang nga mamaya". Naiimadyin nyo na ba ang setting? 

Oo, ganyan sa aming baryo noon. Ang mga tao, dahil nga sa maraming taon na nandun sila at ang pagluwas ng baryo na yun lalo na ang pagluwas ng Maynila, ay isang napakalaking akala, na ang makagawa ay mayaman. May pera. May datung. Dahil nga ang Papa ko nun ay dito sa Maynila nagtatrabaho at every other month ang uwi doon sa amin, naku pow! Asahan nyo na every other month din marami akong kalaro at kabati at every other month din maraming kaibigan si Mama. Pano, may mauutangan na naman sila. Inggitan din noon sa  compound na tinitirhan namin. Nung nagpundar kami ng TV, aba, isa isa na din nagkaroon ang iba. Nauso ang telepono, may gey-un na din sila. Pati component at electric fan.. Name it!

Dahil nga simpleng simple lang ang buhay namin noon, hindi ko din inisip na mangarap ng matayog. Pangarap ko lang noon maging maging cashier kasi tayp na tayp ko ang magcompute sa calculator. Kahit anong paraan ng pagrerequest ko nun kay Mama na bilhan ako ng calculator ay di umubra. Kaya ang ginawa ko. Naglalaro na lang ako mag-isa na kunwari nagpa-punch din ako ng mga items at magbabayad sila sakin at susuklian ko naman. Ganun lang ang buhay ko. 

Pero nung naisipan na nila Papa at Mama na enough na yung panahong nanirahan kami sa Bicol, lumipat na nga kami ng Cavite. Gumradweyt ako ng Grade 6 dito na din sa Cavite at nakita ko kung pano lumawak ang mundo ko. Mas marami nakong naging kakilala at kalaro at natuto na din mag-Tagalog. Alam nyo kasi nung nasa Bicol kami, kapag may taong nagsasalita ng Tagalog, mayaman agad ang nasa isip ng mga tao at galing sa Maynila. Ganun! Haha. Pero nagpapasalamat ako dahil sa mga naranasan ko dun, nakita ko kung sino ako at nagpapasalamat ako sa mga nangyaring pag-unlad sa buhay ko. Kuntento ako sa kung anong meron ako dahil mabuti ang Panginoon. Hindi man ako naging cashier pero naranasan ko din naman magcompute ng grades sa calculator nung naging teacher ako. O diba? Lumevel up pa!

O siya, naisip ko lang isulat at ishare ang munting Happiness na ito to everybody!

Hanggang sa muli!
Photobucket