Showing posts with label movie review. Show all posts
Showing posts with label movie review. Show all posts

Feb 23, 2012

Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?

Muli ko itong binasa sa aking reviews site kaya naisipan kong i-repost dito para naman mabasa din ng mga avid readers ko dito at malaman kung ano ang mga kuro-kuro, opinyon at reaksyon nyo sa pelikulang ito. Medyo mahaba pero nawa'y mag-enjoy kayo!

photo credit to google

Ako ay humanga sa pelikulang ito sapagkat talagang makikita dito ang tunay na kalagayan na nangyayari sa isang tipikal na pamilyang Pilipino. Makikita ang tumpak na pagganap ng bawat isang miyembro ng pamilya. Katulad ng pelikula, marami sa mga pamilyang Pilipino ngayon ang pangalawang ama na siyang tumuturing sa anak ng babae sa unang asawa na parang sarili niyang anak. Napakarami ang ganitong pamilya sa Pilipinas. Ito ay maaaring ang unang asawa ay hindi magkasundo at nariyang maghihiwalay at magkakaroon ng panibagong asawa kasal man o hindi. Kung kaya’t ang mga anak ay nagkakaroon ng pag-aalitan lalo na kapag hindi lingid sa kanila ang kanilang tunay na kalagayan.

Sa sitwasyon ng pamilya sa pelikulang ito, hindi lingid sa mga anak kung sino ang kanilang ama. Mayroong magandang naidulot ito at mayroon din namang hindi sa relasyon ng bawat isa. Ang isang hindi magandang naidulot nito sa kanila ay iyong pag-aasaran ng magkapatid na humahantong sa away at pag-aalitan. Hindi ito maiiwasan sapagkat sila ay bata pa at talagang dumarating ang ganitong pagkakataon. Katulad na lamang ng eksena kung saan ang magkapatid ay nag-away at pinagdedebatehan nila kung sino sa kanilang mga ama ang mas mahal ng kanilang ina. Nakakatuwa man ngunit ito ay reyalidad nang nangyayari at patuloy na nangyayari sa mga tipikal na pamilyang Pilipino. Hindi talaga maiwasan ang mga ganitong pag-aasaran sa parte ng mga anak. Ang napansin ko sa pelikulang ito ay hindi pinili ng kanilang ina ang itago ang katotohanan sa kanila. Ipinaliliwanag niya ang mga bagay sa abot ng kanyang makakaya upang maunawaan siya ng kanyang mga anak. Hindi sekreto ang mga bagay na dapat ay talagang nalalaman ng kanyang mga anak at karapatan din naman nilang malaman ang mga iyon.

Ang maganda din naming naidulot nito sa mga bata ay minahal nila ang isa’t isa nang may pagtanggap sa katotohanang sila man ay kalahating magkapatid lamang. Ito ay mapapatunayan doon sa panahong pinili ng lalaking anak ang manatiling makasama ang kanyang ina at kapatid sapagkat mahal na mahal niya sila. Hindi siya sumama sa tunay niyang ama papunta sa ibang bansa dahil mamimiss nya ang kanyang bunsong kapatid.

Kung iisipin, mas gugustuhin ng karamihan sa mga pamilyang Pilipino ang itago ang mga ganitong bagay mula sa mga anak sa kadahilanang hindi pa nila ito lubos na mauunawaan. O ang iba naman ay talagang itatago na lamang ang katotohanan at huwag nang ipaalam pa.

Mayroon akong kakilala na mayroong eksaktong sitwasyon na tulad sa pelikulang ito. Sila din ay dalawang magkapatid na magkaiba ang ama. Ang unang asawa ng kanilang ina ay kanyang hiniwalayan at kanya ngang kasama na ngayon ang bago niyang minamahal na siya namang ama ng bunsong anak. Hindi rin lingid sa mga anak ang katotohanang iyon. Ang kaibahan nga lang ay makikitang mas pabor ang ina sa bunsong anak. Naitanong ko ito sa kanya kung bakit ganito, ito ay dahil na rin sa pagbabahagi ng panganay na anak sa akin tungkol sa bagay na ito. Marami siyang hinanakit sa kanyang ina, dagdag pa dito ang di matapos na pang-aasar ng kanyang bunsong kapatid nang hindi man lamang sinasaway ng mga magulang. Naisip kong baka makatulong ako sa kalagayang iyon at naging positibo naman ito sa ina sapagkat kaibigan ko sya. Nakita niya din ang kanyang pagkakamaling iyon. At kanyang naibahagi din na iyon ay totoo sapagkat naaalala niya daw ang kanyang unang asawa sa panganay niyang anak. Doon niya napagtanto na walang kinalaman ang anak sa away nila ng kanyang unang asawa.

Sa kalagayang ng pelikulang ito, makikita din ang pagiging maboka ni Leah (Vilma Santos). Sinasabi nya talaga ang mga bagay sa tamang termino nito, maging bastos man ito sa pandinig ng iba. Nakita ko ang pagiging malakas niya bilang isang babae. Kaya niyang tumayo at lumaban sa hamon ng buhay gaano man ito kabigat. Maraming hamon ang dumating sa buhay nya, una na dito ang pagharap niya sa kanyang mga anak at ipaliwanag sa kanila ang katotohanang sila ay may magkaibang ama. Ang pag-aaruga sa kanila sa abot ng kanyang makakaya, kasama na ang pagmulat nya sa mga ito sa kalayaang sila ang dapat magdesisyon para sa kanilang sarili. Binigyan niya sila ng kalayaang mag-isip at magpasya kahit na sa murang edad pa sila. Ang muling paghihiwalay nila ng kanyang pangalawang asawa sa kadahilanang mayroon din pala itong kinakasamang iba. At ang pagharap sa mga kababaihang mayroong kanya-kanya ding problemang kinakaharap sa kanilang buhay. Hinahangaan ko siya sa pagiging isang malakas na babae. Isa siyang huwaran para sa mga kababaihan. Hindi siya nagpadaig sa mga unos ng buhay. Hindi siya napanghinaan ng loob upang gawin ang mga bagay na makakabuti para sa kanyang pamilya. Itinayo niya ang kanyang sarili nang taas noo. Anuman ang dinanas niya sa buhay at anuman ang naririnig niyang mga salita mula sa ibang tao ay hindi naging dahilan upang siya ay sumuko. Kundi naging matatag siya. At ito ay itinuturo niya sa kanyang mga anak maging doon sa mga iba pang kababaihan. Tunay nga na kapupulutan ito ng aral lalong lalo na ng mga kababaihan.
Photobucket