Feb 16, 2022

Paano Magluto ng Adobong Manok

Adobong manok
ctto: https://keeprecipes.com


Paano magluto ng Adobong Manok:


Mga Sangkap:

1 kilong manok, pang-adobo ang pagkahiwa-hiwa

5 pirasong bawang, dinikdik

1 piraso ng dahon ng laurel

1 mala-hinlalaking hugis ng luya, dinikdik

1 pirasong sibuyas, maliliit na hiwa

1/2 tasa ng suka

2 tasa ng toyo

asin at paminta


Para sa Marinade:

1 kutsarita ng dinikdik na paminta; 5 piraso ng dinikdik na bawang, 1 maliit na lemon, (kunin lamang ang katas nito); kalahating tasa ng toyo; dahon ng laurel; paminta at mga piraso ng manok


Mga Proseso:

1. Sa isang malaking mangkok, paghalu-haluin ang toyo, suka, durog na paminta, bawang, dahon ng laurel at ang hiniwa-hiwang piraso ng manok at ito ay hayaang nakababad sa loob ng 2-3 oras. Itabi ang marinade sauce.

2. Pagkatapos ng 2-3 oras, painitin ang mantika sa kawali at igisa ang bawang, sibuyas at luya hanggang sa ito ay maging tustado ng bahagya.

3. Idagdag ang binabad na mga piraso ng manok sa marinade sauce hanggang ito ay maging tustado ng bahagya hanggang makalabas ang mantika mula sa manok. 

4. Ibuhos na ang marinade sauce at tubig sa manok at pakuluin sa loob ng 40-50 minuto hanggang sa lumambot ang manok at maging makapal ang sauce nito. 

5. Idagdag ang asin at paminta nang naaayon sa panlasa. Lutuin pa nang matagal-tagal kung nais mo ng medyo tuyo ang sabaw nito. Ilagay sa ibabaw ang dahon ng laurel.

6. Patayin na ang apoy at ihain! 


Sana'y nakatulong ang simpleng resipe na ito sa inyo. Hanggang sa muling lutuin!




Mar 19, 2014

Vivid Dreams O Freaking Nightmare?

Wow! Ang tagal na panahon na pala mula nung huli akong nagsulat dito. Pasensya na kayo mga blogkada, sadyang may mga panahon na kailangan nating huminto sa mga nakasanayan nating gawin upang pagtuunan ng pansin ang mga mas mahahalagang bagay sa ating buhay. Pero, anu't ano pa man, eto na naman ang inyong lingkod para muling magbalik kwento sa kanyang buhay buhay at karanasan nung mga panahong sya'y pansamantalang nawala.

Ano nga ba ang mga kaganapan sa akin?

Unang una, kung naaalala ninyo ung post ko na kasalukuyan pa akong nangangarap at nananalangin na magkaroon na ng baby, guess what?? Oo, tama ka. Ako nga'y buntis na! Ipinagkaloob na din sa wakas ng Panginoon ang aking kahilingan.. ;)

Sa totoo lang, hanggang ngayon, hindi pa din ako makapaniwala na may isang mumunting buhay na namumuo sa aking sinapupunan. Maraming masasayang thoughts ang naglalakbay sa isip ko mula nung dumating sya ngunit meron din namang mga pag-aalala. Siguro talagang normal yun lalo na at first time ko ito.

Para naman mapatunayan ko na masaya ang huntahan dito sa blog ko, nais ko lang ikuwento sa inyo yung mga nakakaloka, nakakatawa at nakapagtatakang panaginip na mayroon ako nitong mga nakaraang araw na may kinalaman sa aking pagbubuntis.

Dream No. 1: Chemistry Ba Ito?

Mga pitong linggo pa lang siguro ako sa aking pagbubuntis nung napanaginipan ko ito. Sa panaginip ko, napansin ko na palaki ng palaki ang tiyan ko. Which is normal lang naman talaga at di mapigilang mangyayari at mangyayari. Ang nakakapagtaka lang ay habang tinitingnan ko ang tiyan ko, lumalaki sya in a matter of minutes! Imaginine mo na lang na para syang lobo na binubombahan ng hangin at malalaman mo na lang malaki na sya. Lumaki ang tyan ko na kasinglaki ng syam na buwan na buntis sa loob ng 15 seconds! Kaloka!

So ang mahal kong nanay ay dumating at nakita akong nagfifreak-out dahil sa aking nasasaksihan. Nakatawa lang sya at lumapit sa akin. Sabi nya, "ano ka ba anak. talagang ganyan ano?"

Maya maya pa'y hinawakan nya ang malaki kong tyan. Binuksan nya ito, (may pintuan ang tyan ko?? hindi ko ito kinakaya) at may inilabas syang dalawang test tubes mula doon. Isang kulay blue at isang kulay green. Pinaghalo halo nya ung dalawang kulay at nilagay nya sa mas malaking test tube, ibinalik sa tyan ko at isinara ang pinto nito.


Sabi nya, ayan, maya maya lang ay magle-labor ka na. Nakatanga ako sa kanya at di makapaniwala sa kanina lamang na ginawa nya sa akin. Chemistry na ba ngayon ang pagbubuntis??? Tanong ko sa isip ko.

Magsisimula na sana ulit akong magfreak-out nang tumunog ang alarm clock ko at nagising. Buti na lang at panaginip lang ang lahat.

Kayo sa palagay nyo, anong ibig sabihin ng mala-siyensya kong panaginip?

HANGGANG SA MULI!

Photobucket